





Noong ika-12 ng Hulyo 2026, matagumpay na idinaos ng Council for Health and Development (CHD) ang Pagtatapos ng mga Community Health Worker (CHW) na kumuha ng Basic Health Skills Training. Ang mga bagong CHWs ay nagmula sa Sitio Mangga at Sitio Lupang Mitra, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City, ay handa nang maghatid ng batayang serbisyong pangkalusugan sa kanilang mga komunidad.
Ang mga panauhin sa araw ng pagtatapos ng mga CHWs ay sina G. Rodrigo Rosales, President ng Homeowner Association, Gng. Edily “Inday” Murcia Barit, Vice Chairperson ng External Samahan ng Manggagawang Kristiyanong Pamayanan (SMKP), Bb. Amy Laviste, Program Coordinator ng Labor Ministry of Diocese of Novaliches at G. Andrew Aytin, Viva Salud Philippines Country Office.








Sa kanyang mensahe, nagpaalala si Gng. Barit na: “Huwag kayong titigil sa pag-aaral. Ang magandang natutunan ay dapat isinasabuhay at iniaaplay, hindi lamang sa iyong mga kapitbahay, kundi nagsisimula muna sa iyong sarili at sa inyong pamilya. Ang kaalamang iyong nakuha ay hindi dapat manatili sa inyo lamang; ito ay ibahagi ninyo sa ibang komunidad.”
Binigyang-diin naman ni Bb. Laviste: “Ang ating tungkulin ay nag-uugat sa puso, kaya’t isasa puso at isipan natin ito. Maging nagkakaisa tayo mula Novaliches hanggang Pasig at magtulungan tayo. Sa ganitong paraan, mas mabilis nating matutuklasan at matutugunan ang mga problemang pangkalusugan ng ating mga kapitbahayan.”
Bilang pagkilala sa halaga ng kanilang pagsasanay, idinagdag sa pagpupugay ni G. Aytin: “Ang pagsasanay na ito ay nagbibigay-kakayahan sa inyong komunidad upang tumulong, maglingkod, at magsumikap upang masiguro na ang bawat isa ay may tamang serbisyong pangkalusugan at ipagtatanggol ang kanilang karapatan sa kalusugan.”
Kahalagahan ng Pagpapalakas ng Komunidad para sa Karapatan sa Kalusugan
Ang pagtatapos ng mga CHW ay hindi lamang pagkilala sa kanilang pagsasanay, kundi isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng komunidad upang isulong ang kanilang karapatan sa kalusugan. Sa pamamagitan ng kanilang kaalaman at dedikasyon, nagiging mas handa ang mga CHWs na magbahagi ng mga tamang impormasyon, magsulong ng mga programang pangkalusugan, at magsilbing tulay sa pagitan ng mga mamamayan at mga serbisyong pangkalusugan. Dahil dito, mas nabibigyang-kakayahan ang mga komunidad na pangalagaan ang kanilang kalusugan, makilahok sa mga inisyatibong pangkalusugan, at ipaglaban ang kanilang karapatan sa ligtas, sapat, libre at dekalidad na serbisyong pangkalusugan. Sa ganitong paraan, maitataguyod ang isang komunidad na may malasakit, pagkakaisa at aktibong pakikilahok para sa kapakanan ng lahat.
Tulad ng sinabi ni G. Aytin: “Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa ating kapag tayo ay may alam, may kakayahan, at may pagmamalasakit sa kapwa, walang sinuman ang maiiwan sa paghahangad ng maayos na kalusugan.”##


















