Itaas ang badyet pangkalusugan para sa libreng serbisyo sa mamamayan!

Kasabay ng ginaganap na budget hearing ng Department of Health sa Senado ngayon, nagkaisang tumungo ang mga health workers at advocates sa Senado at nagsagawa ng motorcade upang igiit ang mas mataas na budget sa kalusugan sa halip na ito ay bawasan lalo pa at may pandemya.

Marami sa atin ang nagkakasakit ngunit hindi makapunta sa ospital dahil walang pambayad sa gamot at manggagamot. Napakababa ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan ng ating bansa dahil sa korapsyon at hindi maayos na pamamahala dahil sa desentralisdong sistemang pangkalusugan. Ngayong nasa gita tayo ng pandemya, lalo pa tayong nahihirapang makakuha ng sapat na serbisyong pangkalusugan. Panahon na para mabago ito!

Kailangan natin ng LIBRE, PAMBANSANG PAMPUBLIKONG SISTEMANG PANGKALUSUGAN o Free National Public Health System na tampok ang mga sumusunod:

1) Libreng gamot at pagpapagamot

– Lahat ng serbisyong pangkalusugan sa mga pampublikong ospital, pampublikong pasilidad pangkalusugan at health centers ay magiging libre. Hindi na kailangan pang maglabas ng pera ang pasyente dahil ito ay sasagutin na ng gobyerno.

– Lahat ng esensyal gamot at pangangailangang medikal ay libre pampublikong ospital at pasilidad pangkalusugan.

2) Health station sa lahat ng barangay sa buong bansa

– Isang Barangay Health Station para sa bawat barangay na may sapat na bilang ng health personnel, gamot at kagamitan

– Maisasaayos ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa buong bansa at hindi na ito nakasentro lamang sa mga ospital at syudad

– Pagpapalakas ng primary health care

3) Sapat na bilang ng health workers sa lahat ng pampublikong pasilidad pangkalusugan

– 1 nars at 1 kumadrona sa bawat barangay

– 2 doktor, 2 dentista at 1 sanitary inspector sa bawat munisipalidad/bayan

– Pagpuno sa 13,000 plantilla positions at paglikha pa ng karagdagang permanenteng posisyon para sa mga health workers sa mga pasilidad pangkalusugan ng gobyerno

– Itigil ang kontraktwalisasyonat bigyan ng sapat na sahod at benepisyo ang mga health workers

4) Pagbawal sa pribatisasyon ng lahat ng pampublikong ospital at pasilidad pangkalusugan

Saan ba manggagaling ang pondo para dito?

– Ang pondo ay manggagaling sa buwis ng mamamayan at sa pondo ng DOH. Para sa inisyal na implementasyon, kinakailangan ng Php 454 bilyon. May pera para dito at maraming paraan para mapondohan ito tulad ng paglilipat ng pondo ng NTF-ELCAC sa kalusugan.

– Kukuhanin din ang pondo mula sa: nakolektang buwis mula sa Sin Tax law, 50% mula sa PAGCOR, 40% mula sa PCSO, 50% mula sa Manila Jockey Club, Inc., 50% mula sa Philippine Racing Club, Inc., 50% mula sa kita galing sa quarantine services, at kita mula sa mga bayarin, multa, royalties at iba pang singil ng Food, Drug and Cosmetics Act at Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008.

Sa kasalukuyan, mayroong House Bill 9515 o Free National Public Health System Act na ipinanukala ng Makabayan Bloc sa Konggreso noong Mayo 29, 2021. Kailangang maghanap ng kakampi sa Senado upang magkaroon ng katulad na panukala. Ngunit higit pa sa mga panukalang batas, mahalaga ang pagkakaisa ng mamamayan upang igiit ang libre at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan mula sa pamahalaan. Ang ating mga panawagan:

Libreng serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan laluna sa mahihirap!

Libreng gamot sa mga pampublikong pasilidad pangkalusugan!

Itaas ang badyet pangkalusugan sa 10% ng Gross Domestic Product!

Ipagbawal ang pribatisasyon ng mga pampublikong ospital at pasilidad pangkalusugan!

Mass hiring ng health workers na may sapat na sahod at benepisyo!

Popular Posts