Pahayag ng Bantay Bakuna hinggil sa usapin ng “No Vaccine, No Work Policy”

Simula Agosto, nakakakuha ang mga kasamahan natin sa network ng mga ulat tungkol sa mga kumpanya na nagpapairal ng “no vaccine, no work policy”. Sa pagpapaigting ng nasyunal na programa sa pagbabakuna, laluna sa mga manggagawa, ay maraming ahensya ng gobyerno ang naglabas ng suporta para sa ganitong uri ng polisiya. Ngunit ayon sa inilabas na Labor Advisory No. 03 ng Kagawaran ng Paggawa at Empleyo (DOLE) noong Marso, hindi dapat maging sanhi ng diskriminasyon laban sa isang empleyado ang kanyang pagtanggi o kawalan ng kakayahang makapagpabakuna.

Kasama ng pahayag ang pagrerekomenda ng peryodikong pagpapa-test ng RT-PCR ng mga empleyadong hindi pa bakunado – ngunit sagot ito ng indibiduwal imbes na tustusan ng kompanya o ahensyang kanyang kinabibilangan.

Sa pagpataw ng mga polisiya tulad nito sa ordinaryong mamamayan, tila lumalabnaw ang pag-aangkin ng responsibilidad ng mga ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng kanilang mandato at naililipat ang pasanin sa indibidwal na manggagawa. Sa halip na ilipat ang pasanin sa indibidwal na manggagawa, nararapat na mas paghusayin at gawing malawakan ang edukasyon, libreng gamot at serbisyo, at pagbabakuna nang may paggalang sa karapatang pantao.

Patuloy ang panawagan ng Bantay Bakuna sa pagpapahusay at pagpapalakas ng pampublikong sistemang pangkalusugan na may sapat na imprastraktura para sa libreng mass testing at mahusay na pambansang programa sa pagbabakuna. Mahalaga na may suporta sa mamamayan – mula sa malawakang impormasyong pangkalusugan, tulad ng sa COVID-19 at mga bakuna, hanggang sa maayos na pagtugon sa posibleng adverse effects ng bakuna at iba pang pangangailangang medikal. Mahigpit ang ating pagtutol sa anumang porma ng diskriminasyon, paglabag sa karapatang pantao at paggawa, at pagkakait ng mga batayang serbisyo sa mga hindi pa nabakunahan o ayaw magpabakuna.##

Popular Posts