Pondo ng taumbayan, ibalik sa kalusugan

Mariing kinokondena ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH) ang hakbangin ng gobyerno na ibalik sa kabang-yaman nito ang “excess funds” o diumano’y sobrang pondo ng Philhealth at ilagay ito sa unprogrammed appropriations na sa esensya ay pork barrel. Naninindigan ang CPRH na karumal-dumal na tawaging sobra ang pondong ito gayong naghihingalo ang pampublikong sistemang pangkalusugan sa ating bansa. Ito ay nasa bingit na ng pagbagsak.

Ang pondo sa kalusugan ay napakaliit. Noong 2024, bawat isa sa 119 milyong Pilipino ay pinaglaanan lamang ng gobyerno ng P4.58 kada araw para sa kanyang kalusugan. Nitong 2025, naging P5.01 kada araw. Saan aabot ang P5 kapag tayo ay nagkasakit?

Ang kinukuhang pondo ng Philhealth ay pera ng taumbayan. Sa katunayan, mula sa datos ng Philhealth sa unang kwarto ng 2024, 59% ng nag-aambagan sa pondo nito ay mga empleyado sa pribadong sektor samantalang 20% ay mula sa empleyado ng gobyerno, 10% mula sa senior citizens, 9% mula sa indigent, 5% mula sa informal economy, at 0.2% mula sa sponsored members. Ngunit hindi lamang mga kontribusyon ng mga myembro noong nakaraang taon ang pinagmulan at pagmumulan ng P89.9 bilyong piso na kukunin ng gobyerno sa Philhealth—ito ay mula pa sa mga pondong iniambag ng mga myembro mula pa noong itinatag ang Philhealth noong 1995.

Bagama’t may ilang bilyong pisong pondo, ang pag-aambagan nating lahat upang itaguyod ang Philhealth ay katunayan ng pagbitiw ng gobyerno sa pananagutan nito sa kalusugan ng mamamayan. Sa halip na buhusan ng sapat na pondo ang kalusugan, binabalikat natin ang malaking gastusin sa isang batayang karapatan—ang karapatan sa kalusugan. Noong 2023, umabot sa 44.4% ang out-of-pocket payments sa kabuuang gastusin sa kalusugan. Para sa mahihirap nating kababayan, napakalaki ng epekto nito sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya. Kaya nga, karaniwang makikita ang mahabang pila ng mga pasyente sa labas ng mga pampublikong ospital. Ang iba ay sa gabi pa lamang ay pumipila na, habang ang karamihan ay sa madaling araw para lamang matiyak na sila ay aabot sa “quota” o itinakdang bilang ng mga machecheck-up at makakapagproseso ng tulong mula sa Philhealth, Malasakit, PCSO, atbp.

Bakit kailangang danasin ito ng ating mga kababayan? Bakit tila lalo silang inaalipusta ng gobyernong dapat na nag-aangat ng kanilang dignidad at ibinibigay ang serbisyong libre, kagyat at sapat?

Sinusuportahan ng CPRH ang mga petisyong inihain sa Korte Suprema laban sa pagkuha ng pondo ng PhilHealth at iba pang government-owned and controlled corporations (GOCCs). Nananawagan tayo na tuluyang ideklarang iligal ang pagkuha ng pondo sa PhilHealth at GOCCs. Gawing permanente ang pagbabawal sa pagkuha ng mga idineklarang “excess” funds.

Sa pangmatagalan, nananawagan ang CPRH na ang pondo ng gobyerno ay direktang ibigay sa pampublikong ospital, institusyon at serbisyo mula pambansa hanggang sa antas ng barangay; ilaan ang 5% ng Gross Domestic Product para sa kalusugan; tanggalin ang 12% VAT sa gamot; gawing libre ang mga gamot at serbisyo sa mga pampublikong pasilidad pangkalusugan; magtayo ng 1 health station sa bawat barangay na may sapat na bilang ng health personnel at supply ng gamot; at 1 nars at midwife sa bawat barangay. Isabatas ang House Bill 208 o ang Free National Public Health Care System.

Ang kalusugan ay karapatan, ito ay dapat ipaglaban! Tutulan ang pork barrel! Lahat ng kurakot, managot!

##

Popular Posts