Nagbukas ngayong araw ang community pantry sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City ang Parish Social Action Ministry at Community Health Workers (CHW) ng Samahan ng Manggagawang Kristyano sa Pamayanan (SMKP) sa pakikipagtulungan ng kanilang Kura Paroko Fr. Emman Vallega, O. Carm.Ang mga gulay na kanilang ipinamimigay ay nagmula sa proyektong urban farming ng lungsod na kinabibilangan ng mga CHW. Nagsimula ang kanilang sama-samang pagtatanim ng gulay noon pang isang taon upang makatulong sa pagtugon sa kagutuman at malnutrisyon ng mga pamilya laluna sa mga bata. Binibigyang prayoridad nila sa ani ang mga pamilyang higit na kapos sa buhay.

Bukod sa aning gulay, ang ibang pagkain sa community pantry ay pinag-ambagan ng magkakapitbahay at parokya sa Bagong Silangan. Kwento ng isang CHW, ang bawat isa sa kanila ay nag-ambag ng isang dakot na bigas samantalang ang iba naman ay nag-ambag ng pera batay sa kanilang kakayahan.
Nang makaipon ng aning gulay, bigas, de lata, at iba pang pangangailangan, binuksan ang kauna-unahang community pantry ng ating CHWs ngayong araw.
Ang mga CHWs na rin ang pangunahing nag-aasikaso sa pagpapatakbo nasabing community pantry kasama ang iba pang volunteers.

Ang community pantry ng CHWs ay bukas sa umaga 8-11 AM at sa hapon naman ay 3-6 PM.
Bukas sa lahat ng nangangailangan at nais mag-ambag. Maaaring mag-mensahe po sa Facebook Page ng Council for Health and Development ang mga nais tumulong.



